Snap election at pagbibitiw ng lahat ng elected officials, ipinanawagan ng isang senador

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng snap election kasabay ng apela nito sa lahat ng mga elected official sa national level na magbitiw na sa pwesto.

Sa pahayag ni Cayetano, sa gitna na rin ng mga eskandalo tungkol sa katiwalian na kinakaharap ngayon ng gobyerno ay posibleng ito lamang ang paraan para maibalik ang tiwala ng publiko sa ating political institutions.

Sinabi ng minority leader na kung seryoso talaga sila sa pagbabalik ng tiwala ng taumbayan ay magbitiw sa pwesto ang lahat ng mga naihalal sa posisyon mula pangulo hanggang sa mga kongresista at saka sila magsagawa ng snap elections.

Sakali namang magdaos ng snap election, binigyang-diin ni Cayetano na ang “catch” dito ay hindi papayagan ang sinuman sa kanila na tumakbo sa gagawing biglaang halalan.

Punto pa ni Cayetano, hindi maibabalik ang kumpyansa ng mga Pilipino kung ang mga mauupo ulit sa pwesto ay ang mga politikong sumira sa tiwala.

Batid naman ng mambabatas na “idealistic” ang suhestyon subalit ito ay napapanahon na para pagusapan.

Facebook Comments