Sinita ni Senator Cynthia Villar, ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa pag-i-import nito ng sobra-sobrang doses ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF).
Sa pagdinig ng Senado, paulit-ulit na pinuna ni Villar na kung clinical trial ang ginawa ng BAI ay bakit aabot sa 300,000 ang doses ng bakuna laban sa ASF na inangkat sa bansa.
Mismong si Food and Drug Administration (FDA) Deputy Director General for Field Regulatory Operation Dr. Oscar Gutierrez Jr., ang nagsabi na kung pagbabatayan ang clinical trial sa Vietnam, nasa 60 na baboy lang ang ginamit para sa trial.
Duda si Villar, dahil kung 60 pigs lang ang ginamit sa clinical trial ng Vietnam, ay bakit sobra-sobra ang in-import na bakuna ng bansa kontra ASF dagdag pa ang press release ng BAI na 600,000 ang parating na bakuna para sa clinical trial.
Isinumbong naman ni Dr. Arnulfo Frontuna ng Philippine Swine Foundation, na ang mga bakuna ay ibinenta pa sa mga farm owners at may pinapirma pang waiver na nagsasaad na walang pananagutan ang supplier sakaling may mangyari sa mga alagang baboy.
Bukod dito, nalaman din sa pagdinig na may nangyaring “shedding” sa Phase 1 trial ng bakuna, ibig sabihin lumabas ang virus sa tinurukang baboy at kumalat ang sakit sa ibang mga hayop dahilan kaya nagkaroon pa ng Phase 2 ng trial.
Nabahala naman si AGAP Party-list Representative Nicanor Briones, na kapag pumalpak ang bakuna laban sa ASF ay buong Pilipinas na ang naturukan.