Sobrang pera ng PhilHealth, hindi dapat gamitin sa iba —Sen. Koko Pimentel

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi pwedeng gamitin ang sobrang pera ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) para pondohan ang mga unprogrammed appropriations.

Dahil dito, hiniling ni Pimentel ang agad na pagbabalik sa P20 billion mula sa mahigit P89 billion na isasauli ng PhilHealth sa National Treasury sa katwiran noong una na mayroon pang sobra-sobrang pondo ang state health insurer.

Sinabi ng senador na ang proposal na ibalik ang health subsidy ng PhilHealth sa gobyerno para pondohan ang mga unprogrammed appropriations ay kinuha mula sa modelo ng Maharlika fund kung saan nagalit ang taumbayan matapos malaman na pera ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ang gagamitin na anila’y pera ng taumbayan.


Binigyang-diin ni Pimentel na pondo pa rin ng taumbayan ito mula sa dalawang klase ng kontribusyon, ang mandatory contribution na mula sa mga member at ang government contribution na kontribusyon naman para sa mga indigent na hindi naghuhulog ng kanilang kontribusyon.

Aniya, ang pagbigay ng national government ng pera sa PhilHealth ay malinaw na para talaga mga miyembro ang pondong iyon.

Dagdag ni Pimentel, kung itinuturing na sagrado ang pera ng GSIS at SSS ay ganun din dapat kasagrado ang trato sa reserve fund ng PhilHealth dahil nabuo aniya ito sa ngalan ng mga miyembro.

Facebook Comments