Paiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang dumaraming reklamo ng mga magulang at estudyanteng nag-i-enroll sa mga pangunahing pribadong unibersidad sa Metro Manila hinggil sa mga sobrang bayarin.
Paliwanag ni Marcos, hindi na dapat malaki ang gastusin sa online classes at modular lesson dahil hindi naman magagamit ang mga pasilidad at serbisyo sa mga paaralan.
Kaugnay nito, inihain ni Marcos ang Senate Resolution 480 na nag-aatas sa Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng imbestigasyon kapag hindi umaksyon ang mga paaralan bago magbukas ang klase sa huling bahagi ng Agosto.
Base sa reklamong natanggap ni Marcos, may mga nakasingit na miscellaneous fee sa mga matrikulang babayaran ng mga estudyante sa mga eskwelahan para sa paggamit umano ng classroom based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at mga dental clinic.
Giit ni Marcos, hindi dapat pagkakitaan ng mga eskwelahan ang mga serbisyong hindi naman nila maibibigay sa mga estudyante kaya dapat mas mababa na lang ang babayaran ng mga magulang.