Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa Local Government Units (LGUs) na apektado ng Bagyong Ambo na tiyaking naipapatupad ang social distancing sa evacuation centers.
Ayon kay Gatchalian, ito ay upang maprotektahan laban sa COVID-19 ang mga ililikas na pamilya dahil sa bagyo.
Bukod sa social distancing ay pinapatiyak din ni Gatchalian sa LGUs na maipatupad sa mga evacuation centers ang pagsusuot ng face masks sa lahat ng oras at kalinisan tulad ng palaging paghuhugas ng kamay.
Binigyang diin ni Gatchalian na magiging walang silbi ang paglikas sa ating mga kababayan kung dadalhin sila sa isang lugar na sa bandang huli ay mahahawa sila sa COVID-19.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na magiging dagok sa kampanya ng gobyerno kontra sa COVID-19 kung magkakaroon ng outbreak ng sakit sa evacuation centers dahil sa kapabayaan ng LGUs.