iminungkahi ni House Committee on Public Order and Security Chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na limitahan sa 30 minuto lamang kada araw ang social media exposure ng mga menor de edad o 17 anyos pababa.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 543, o panukalang Social Media Regulation and Protection Act of 2022 na inihain ni Fernandez.
Layunin ni Fernandez na mapatatag ang consumer protection lalo na ang pagpapalakas sa privacy at security ng mga kabataan mula sa lumalaganap na digital marketing system.
Giit ni Fernandez, kailangang magkaroon ng isang batas para protektahan ang kapakanan ng mga bata mula sa paggamit ng social media platforms gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa.
Target din ng panukala ni Fernandez na magkaroon ang mga social media company ng mahusay at sapat na notification mechanisms sa mga magulang ng mga bata kaugnay sa paggamit ng kanilang digital sites.
Itinatakda din sa panukala ang pagkakaroon ng “natural stopping points” kung saan awtomatikong pipigilan ang pag-scroll ng mga kabataaan sa partikular na social media account kapag naabot na nito ang itinakdang limitasyon.