Babantayang mabuti ng Commission on Elections (Comelec) ang partisipasyon ng social media influencers sa darating na kampanya para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, plano nilang i-regulate ang mga ganap ng online influencers lalo na sa mga politikong tatakbo sa halalan o maging sa mga political party.
Bukod dito, imo-monitor na rin aniya ng poll body ang gasatos sa mga social media influencer na kukunin ng mga kandidato para lumahok.
Makikipag-ugnayan ang Comelec sa Bureau of Internal Revenue upang makita ang kanilang kikitain lalo na’t malaki aniya ang ibinabayad ng mga politiko sa mga influencer pero karamihan ay hindi naman nagbabayad ng buwis.
Maliban sa influencers, kailangan din i-report kung magkano ang halaga ng mga ibabayad sa mga personalidad na kasama ng mga kandidato sa kanilang commercials o magiging guest sa mga kampanya.