Social media, magiging malaking banta sa pamamahala, seguridad at eleksyon kung hindi maisasailalim sa regulasyon

Iginiit nina House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur at House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pangangailangan na magpatupad ng regulasyon sa social media.

Isinulong ito nina Adiong at Ortega sa gitna ng patuloy na pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon, paggamit ng artificial intelligence (AI) na pawang banta sa pamamahala sa bansa, pambansang seguridad at integridad ng eleksyon.

Diin ni Adiong, ang pagpapakalat ng mga kasinungalingan online ay hindi na lang isyung politikal bagkus dahil inaatake nito ang ating mga institusyon, ating demokrasya at ating seguridad at mga indibidwal nang walang pananagutan.


Katwiran naman ni Representative Ortega, dapat may regulasyon sa social media para maiwasang ang sadyang pagbaluktot sa katotohanan.

Ayon kina Adiong at Ortega, ito ang rason kaya mahalaga ang ginagawang pagdinig ng House Tri-Committee sa fake news at misinformation na magpapatuloy ngayon araw.

Facebook Comments