Social media post ni Ambassador Teddy Locsin Jr., pinuna ng isang kongresista

Nananawagan si House Committee on Overseas Workers Welfare Affairs Chairman at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo sa Department of Foreign Affairs o DFA na maglabas ng official statement na dumidistansya sa pahayag ni Ambassador Teddy Locsin Jr.

Ayon kay Salo, kahit humingi na ng paumanhin si Locsin at binura na ang kanyang media post ay mainam pa rin na maglabas ng pahayag ang DFA para sa kapayapaan at kaligtasan ng ating mga kababayan lalo na ang mga Overseas Filipino Workers na nasa mga lugar na may krisis o sa mga Muslim countries.

Ang tinutukoy ni Salo ay ang post sa X o dating twitter ni Locsin na dapat patayin ang mga batang Palestino dahil sa kanilang paglaki ay maaari silang maloko o mapaniwala para pumanig sa paghahasik ng karahasan ng grupong Hamas laban sa Israel.


Nilinaw ni Salo na malaki ang respeto niya kay Locsin pero bilang mataas na opisyal ng ating gobyerno, ang pahayag nito ay hindi katanggap-tanggap, iresponsable at posibleng magdulot ng dagdag na tensyon at galit laban sa Palestinians at mga kapatid nating Muslim sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo.

Facebook Comments