Inanunsiyo ngayon ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na matatanggap na ng mga senior citizen ang kanilang social pension.
Ito’y base sa pinirmahang agreement ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar at ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) kung saan naglaan sila ng ₱38.502-million bilang pagpapatuloy na rin ng pamamahagi ng social amelioration fund.
Tinatayang aabot sa 7,182 na senior citizens mula sa dalawang distrito ng lungsod ng Las Piñas ang makikinabang sa nasabing pensyon lalo na’t kailangan nila ito bilang tulong na rin sa kasalukuyang sitwasyon dahil sa COVID-19.
Ang mga kwalipikadong senior citizen sa lungsod ay makakatanggap ng ₱3,000 kada semester kung saan makukuha nila ang una at ikalawang semester noong 2019 at unang semester naman ng taong 2020.
Base naman sa tala ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA), nasa 4,114 na senior citizens ang mabibigyan ng social pension sa District-1 at 3,068 naman na benepisyaryo sa District-2.