Manila, Philippines – Posibleng tumaas ng hanggang 200 piso ang monthly contribution ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Ito’y kapag ipinatupad na ang 1.5 percent na dagdag kontribusyon.
Ayon kay SSS President Emmanuel Dooc, noong mayo pa dapat ipinatupad ang pagtaas ng contribution pero ipinagpaliban ito para isabay sa inaasahang pagtaas ng take home pay kapag naisabatas na ang tax reform package sa susunod na taon.
Paghahatian ng employer at employee ang pagbabayad sa kontribusyon.
Halimbawa, sa mga sumasahod ng 10,000 pesos ay magiging 150 pesos ang dagdag kung saan 50 pesos ang pasan ng empleyado.
Sa kasalukunyang salary credit na 16,000 pesos ay 240 pesos ang dagdag kontribusyon kung saan ang 80 piso ay mula sa empleyado.
Pero sagot ng manggagawa ang lahat kung siya ay self-employed.
Panukala rin ng SSS na mula sa 16,000 pesos ay itaas sa 20,000 pesos ang buwanang salary credit.
Pinag-aaralan na ng SSS na bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga miyembro nito kasama na rito ang unemployment benefit at expanded maternity benefit.
Hiniling din ng SSS sa kongreso na aprubahan ang panukalang pag-amyenda sa SSS charter na magbibigay kapangyarihan sa ahenya na magtakda ng contribution rate na hindi na kailangan ng basbas ng pangulo.