Binigyang-prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang social services sector matapos itong pagkalooban ng pinakamalaking bahagi ng aprubadong budget ng probinsya para sa taong 2025.
Aabot sa P3.03 bilyon o 42.71% ng kabuuang budget na P7.1 bilyon ang inilaan para sa sektor ng serbisyong panlipunan, na layong magbigay ng mas magandang serbisyo at tulong sa mga Pangasinense.
Samantala, nakatanggap naman ng P2.68 bilyon o 37.75% ang general services sector, habang nasa P1.38 bilyon o 19.54% ang inilaan para sa sektor ng ekonomiya, na inaasahang magpapalakas ng kabuhayan at pag-unlad ng probinsya.
Malaki ang naitulong ng mas mataas na koleksyon ng buwis at paglago ng mga negosyo upang makabuo ng pondo para sa mga programang ito.
Sa ulat ng Commission on Audit (COA) Annual Financial Report, kabilang ang Pangasinan sa pinakamayamang probinsya sa bansa, kung saan ito ay nasa ika-14 na pwesto, patunay ng matatag na kalagayang pinansyal nito.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang bagong budget ay inaasahang magdudulot ng higit pang kaunlaran at mas maayos na serbisyo sa probinsya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨