Aklan – Kasabay ng soft opening ngayon araw asahan na ang mas mahigpit na patakaran sa isla ng Boracay.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), sa pantalan pa lamang ay kokontrolin na nila ang bilang ng mga turistang papasok sa Boracay.
Anila, 6,405 na turista lang ang papayagan pumasok sa isla araw-araw.
Mayroon na rin anilang 143 hotel na accredited ng DOT ang mag-o-operate sa isla mula sa 116 hotel na pinayagang magbukas noong dry run.
Kasabay nito, humingi naman ng paumanhin si Department of the Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año sa mga turista bunsod ng hindi pa natatapos na kalsada sa Boracay.
Paliwanag ni Año, naging matagal ang bidding process at naantala ang pag-aayos sa mga daanan dahil sa pagbugso ng ulan noong nakaraang buwan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang mga nakahambalang na mga upuan, mesa, at istraktura sa baybayin.
Nilatagan na rin ng mala-Baywalk na daanan ang bahagi kung saan nakatayo ang mga dating bar at tindahan.
Puspusan din ang pagtatrabaho ng DENR para makuha ang 5 sa 9 na wetland sa isla.