SOJ Aguirre, naniniwalang pagtitibayin ng SC ang martial law sa Mindanao

Manila, Philippines – Kumpyansa si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kakatigan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao.

Ayon kay Aguirre, malinaw naman na may factual bases ang deklarasyon ng batas militar.

Nakasalalay aniya ang kahihinatnan ng martial law kung may sapat na batayan ba para sabihing may state of rebellion sa Mindanao at nangangailangan ng batas militar para protektahan ang kaligtasan ng publiko.


Para kay Aguirre, nag-uumapaw ang mga ebidensyang iprinisinta ng gobyerno para patunayan na may sufficient factual bases sa nagaganap na rebelyon sa Mindanao.

Bukas o sa Miyerkules, inaasahang pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga petisyong humihiling na ipawalang bisa ang Proclamation 216 na nagdedeklara ng martial law sa Mindanao.

Matatandaan na nuong May 23, idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao sa loob ng 60 araw dahil sa pag-atakeng inilunsad ng mga teroristang grupo sa pangunguna ng Maute Group sa Marawi City sa hangarin na makapagtayo ruon ng wilayat o teritoryo ng Islamic State.

Facebook Comments