Walang planong magbitiw sa pwesto bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) si Sec. Jesus Crispin Remulla sa kabila ng iniindang karamdaman nito.
Ito ang mariing sinabi ng kalihim nang humaharap sa media ngayong tanghali kasunod ng kaniyang 10-araw na wellness leave.
Giit ni Remulla, mananatili siyang kalihim ng DOJ hangga’t naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang kakayahan.
Nakadepende rin aniya ang kanyang posisyon batay sa kagustuhan ng pangulo.
Inihayag pa ng kalihim na nakausap na niya si Pangulong Marcos tungkol sa kanyang kalagayan sa kalusugan, kung saan sinabi sa kaniya ng pangulo na unahin muna ang kanyang kalusugan.
Noong June 27, sumailalim sa bypass surgery si Remulla matapos itong makitaan ng bara sa ugat sa puso.
Sa ngayon ay kinakailangang sumailalim ni Remulla sa physical therapy para tuluyang makarekober sa surgery.
Tiniyak naman ng kalihim na wala itong magiging epekto sa trabaho at operasyon ng DOJ.