SOLAR POWER PLANT NA ITINATAYO SA CENTRAL PANGASINAN, TARGET MATAPOS SA NOBYEMBRE

Kinakailangan pa umano ng Certificate of No Objection sa land reclassification at iba pang dokumento ng mga sakahan at lupain sa Sta. Barbara at Calasiao na madadaanan ng itatayong Solar Power Plant na target matapos ngayong Nobyembre.

Kinuwestiyon ng ilang mambabatas sa lalawigan ang konstruksyon ng proyekto gayong kulang pa ang kaukulang dokumento para rito.

Sagot ng renewable energy company, mayroon nang dokumento, clearance at pag-uusap mula sa mga lokal na opisina upang matapos ang proyekto sa itinakdang petsa ng Department of Energy.

Ngayong buwan, nasa 60-70% na umano ang natatapos sa itinatayong pasilidad at nailipat na mula agricultural land sa industrial land ang mga nabiling lupain.

Tinatayang 85 ektarya ng lupain sa Sta. Barbara ang sasakopin ng pasilidad na magtutuloy sa 39 ektarya ng lupain sa Calasiao kung saan ilalatag ang nasa 200,000 solar panels, 11 medium voltage transformer, isang control building, at isang sub-station.

Nasa 125-megawatt DC o 90 megawatt AC ang ipoprodyus na enerhiya ng planta na mapapakinabangan umano ng nasa 49,000-55,000 kabahayan sa Sta.Barbara.

Kaugnay nito, tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ang karampatang pag-aaral sa proyekto bago mag-isyu ng mga hinihinging dokumento upang maprotektahan Karapatan ng mga maaapektuhan at dumaan sa tamang proseso ang proyekto. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments