SolGen, bumalik bilang counsel ng gobyerno sa petisyon para palayain si dating Pangulong Duterte

Muling haharap ang Office of the Solicitor General bilang counsel ng mga opisyal ng pamahalaan na respondents sa petisyong inihain nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa sa Korte Suprema.

Ito ay matapos ang desisyon noon ng OSG sa ilalim ng dating Solicitor General Menardo Guevarra na hindi kumatawan para sa gobyerno sa petisyon na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng International Criminal Court kaugnay ng pag-aresto at pagdadala kay Duterte sa The Hague, Netherlands.

Batay sa kopya ng manifestation na inihain sa Supreme Court, ang OSG na pinamumunuan ngayon ni Solicitor General Darlene Berberabe ang muling magsisilbing counsel ng mga respondents.

Bago ang pagbabalik ng OSG, ang Department of Justice ang kumakatawan sa mga opisyal na respondents sa kaso.

Samantala, naghain na ng komento ang mga respondents sa petisyon nina Duterte at Dela Rosa na humihiling ng paglilinaw kung obligadong makipagtulungan pa rin ang Pilipinas sa ICC kahit opisyal nang kumalas dito.

Hiniling din nila na ibasura ang very urgent manifestation ni Dela Rosa dahil umano sa kakulangan ng merito.

Naghain si Dela Rosa ng petisyon upang harangin ang posibleng pag-aresto sa kanya ng ICC matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hawak na nito ang kopya ng arrest warrant laban sa senador.

Facebook Comments