SolGen Guevarra, hindi sisibakin ni PBBM

Kinumpirma ng Malacañang na nagkausap na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Solicitor General Menardo Guevarra.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, mananatili sa pwesto bilang Solicitor General ng bansa si Guevarra.

Ito ay kahit na tumanggi si Guevarra na mag-abogado sa gobyerno kaugnay sa inihaing petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema para ibalik sa Pilipinas ang dating lider na ngayon ay nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).


Hindi aniya nawawala ang tiwala ng pangulo kay Guevarra kaya naman hindi nito hihingin ang kanyang resignation at hindi rin ito sisibakin.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na dapat na suriin o mag-assess si Guevarra sa sarili kung nararapat pa ito sa puwesto matapos umurong sa kaso.

Sinabi naman ni Guevarra na nasa pagpapasya na ni Pangulong Marcos kung sisibakin siya o hindi sa puwesto.

Facebook Comments