Solicitor General Jose Calida, humarap na sa virtual hearing ng kamara tungkol sa ABS-CBN; Mga artista ng network, binanatan

Humarap na sa virtual hearing para sa ABS-CBN franchise renewal si Solicitor General Jose Calida.

Binanatan ng SolGen ang mga celebrities ng ABS-CBN na lumabas sa social media at pinaparatangan ang gobyerno na kumokontrol sa pagbibigay sa kanila ng prangkisa.

Sinabi ni Calida na ginagamit ng mga artista ng network ang kanilang impluwensya para makisawsaw sa isyu at makakuha ng suporta para sa kanilang network.


Partikular na tinukoy ni Calida si Coco Martin na nagsalita sa pagpapasara sa ABS-CBN at bumatikos sa kanya na kung hindi lamang daw siya SolGen ay posibleng hinamon na niya ang actor at pinakain ang mga sinabi nito sa social media.

Nanindigan naman si Calida na maraming paglabag na ginawa ang ABS-CBN na hindi napansin at napapanagot sa tagal ng panahon magmula sa prangkisa, sa batas at sa Konstitusyon.

Sinabi pa nito na hindi siya nakikipagmatigasan sa Kongreso at humarap siya sa Kamara kasunod na rin ng panawagan ni Speaker Alan Peter Cayetano na magkaisa para sa bansa.

Nagpaliwanag naman si National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba na hindi sila naglabas ng temporary permit sa ABS-CBN para makapagpatuloy ito sa operasyon dahil masasagasaan nito ang kapangyarihan ng Kongreso.

Ang ibinibigay nilang provisional authority noon ay sa kadahilanan ng “liberality” ngunit hindi ito maigawad sa ABS-CBN bunsod na rin ng patung-patong na usaping legal.

Facebook Comments