“Solid 7” ni Senator Migz Zubiri, mananatiling independent sa Senado

Photo: Radyoman Conde Batac

Mananatili munang independent ang “Solid 7” bloc ni Senator Migz Zubiri sa Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Zubiri, nagpulong sila kamakailan na mga miyembro ng Solid 7 at ang tanging wala lamang ay si Senator Joel Villanueva at dito ay napagkasunduan nilang mas humanay sa independent bloc sa halip na maging obstructionist ng gobyerno.

Aniya, wala pa silang planong lumagay sa oposisyon o maging bahagi ng minorya sa Senado dahil marami silang ikinokonsidera pa.


Una aniya rito ay ayaw nilang malagay sa alanganin si Senator Sherwin Gatchalian na ang kapatid ay miyembro ng gabinete na si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at isa pa ay itinutulak nilang maging bahagi ng gabinete ng Marcos administration si Senator Sonny Angara na isa sa mga ikinokonsiderang maging susunod na Department of Education (DepEd) secretary kapalit ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte.

Sinabi pa ni Zubiri na mananatili silang tutulong sa presidente lalo na sa mga lehislayon na makakatulong sa mga kababayan at wala pang dapat na ipag-alala si Senate President Chiz Escudero basta’t gagawin lamang nito ang kanyang trabaho ng matapat.

Facebook Comments