Inaprubahan na ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang Solid Waste Management (SWM) plans ng 57 Local Government Units (LGUs) sa buong bansa.
Dahil dito, umabot na sa 114 ang kabuuang bilang ng mga LGUs na naaprubahan ngayong taon.
Ayon sa ulat, sa kabuuang 57 na inaprubahan, 32 dito ay mula sa mga lungsod at munisipalidad sa Luzon; 18 sa Mindanao; at pito sa Visayas.
Ang Region 1 at 3 ang may pinakamaraming naaprubahan na SWMP sa tig-sampu bawa’t isa.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Usec. Benny Antiporda, malaking tulong ito sa pagbibigay ng solusyon sa problema ng bansa sa solid waste.
Matatandaang base sa Republic Act 9003, lahat ng LGUs – probinsiya, lungsod at munisipalidad ay kinakailangang gumawa at magsumite ng 10-year SWM plans na nakaangkla sa SWM framework at kailangan ding maaprubahan ng NSWMC.