Solo Parent Law, pinaparepaso ng isang kongresista

Iginiit ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang pangangailangan na marepaso ang Solo Parent Law o ang Republic Act 11861.

Diin ni Tulfo, layunin ng pag-amyenda sa batas na maresolba ang mga problema sa implementasyon nito upang matiyak na mabibigay ang inuutos nitong mga benepisyo para sa mga solo parent.

Mensahe ito ni Tulfo kasunod ng mga reklamo na kulang, delayed, o wala talagang naibibigay na P1,000 na monthly allowance sa mga solo parent at pati ang diskwento nila sa grocery items ay hindi rin naipapatupad.


Sa ngayon ay nasa ilalim ng mga pamahalaang lungsod o bayan ang pagpapatupad ng batas pero ayon kay Tulfo hindi naman alam ng ibang Local Govt Units (LGUs) kung saan kukunin ang pondo para sa solo parents.

Bunsod nito ay isinusulong ni Congressman Erwin Tulfo na kunin na lang sa national government ang pondo para sa pagbibigay ng allowance sa mga mahihirap na solo parents.

Facebook Comments