Manila Philippines – Iginiit ni Senator Miguel Zubiri ang pagsasagawa ng summit sa pagitan ng Senado at Kamara para pag-usapan ang Charter Change.
Ang Legislative summit ang nakikitang solusyon ni Zubiri sa deadlock ngayon sa pag usad ng proseso sa Cha-Cha dahil sa hindi pagkakasundo sa magiging paraan ng pagboto ng mga senador at kongresista.
Ang Kamara ay nagpasa na ng resolusyon para magkasamang umupo at magbotohan bilang constituent assembly na tatalakay sa Cha-Cha ang mataas at mababang kapulungan.
Ang nabanggit na pasya ng Kamara ay hindi tinangap ng Senado dahil giit ng mga senador mawawalan sila ng saysay kung kasama nila sa botohan ang halos 300 kongresista.
Ayon kay Zubiri daan ang Legislative Summit para makapag usap at magkaroon ng kasunduan ang mga lider ng Senado at Kamara sa magiging proseso at patakaran sa pag-amyenda o pagbabago sa saligang batas.