Manila, Philippines – Inilatag naman ng Malacañang ang mga hakbang ng pamahalaan para matugunan ang mabilis na inflation ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpulong na ang mga economic managers ng administrasyong Duterte para talakayin ang usapin.
Kabilang sa mga napagkasunduan ay ang pag-aalis ng tinaguriang special safeguard measures sa sibuyas at manok na ipinapataw sa mga bansang nagbibigay ng subsidy sa kanilang magsasaka.
Bukod dito, mag-aangkat din ng galunggong at mahigpit na babantayan ang importation ng minimum access volume para sa karneng baboy.
Magsasagawa rin ng regular inspeksyon sa warehouses ng mga commodity importers para malaman ang lebel ng imbentaryo sa mga gulay tulad ng bawang at sibuyas.
Mahigpit ding babantayan ang pagdating at pamamahagi ng bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA).