Manila, Philippines – Hiniling ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa gobyerno na gamitin ang ekta-ektaryang agricultural lands sa bansa para pagtaniman ng palay at tumaas ang suplay ng bigas sa bansa.
Ang rekomendasyon na ito ay bunsod na rin ng kakulangan ng suplay sa bigas ng National Food Authority (NFA).
Sinabi ni Casilao na may apat na milyong ektaryang lupaing pang-agrikultura ang bansa at kung ito ay gagamitin para sa Food Production lalo na sa palay ay hindi na kakailanganin na mag-import ng bigas.
Dapat din aniyang isa prayoridad ng pamahalaan ang procurement ng palay mula sa mga local producers para hindi na maging dependent ang bansa sa rice imports.
Paliwanag ng Kongresista, ang patuloy na pagtangkilik ng bansa sa mga imported rice ang dahilan ng mga problema ng mga lokal na magsasaka.
Bukod pa sa nababawasan na ang mga lupang sakahan dahil sa land conversion, umaangal din ang mga magsasaka sa kawalan ng subsidiya mula sa gobyerno at kawalan ng genuine agrarian reform.