Manila, Philippines – Nais ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na ilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang gagawing hakbangin para makaramdam ng ginhawa at tunay na mabigyang kapangyarihan ang mga manggagawa.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, dapat mapawi ng Pangulo ang bumabalot na agam-agam sa milyon milyong manggagawa sa harap ng walang prenong pagsipa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Aniya, bilang ama ng bansa, tungkulin ni Duterte na mapahupa ang pagkabagabag ng publiko sa panahong inaatake ang kanilang kabuhayan.
Umaasa ang mga manggagawa na may iaanunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng dagdag sa pasahod, pagpapababa sa presyo ng bilihin, pagtuldok sa contractualization at gawing ligtas ang mga pook pagawaan sa bansa.
Dapat aniyang mailinaw ni Duterte ang direksyong tinatahak ng kaniyang pangasiwaan para sa tinatawag na genuine inclusive growth.