SONA ng pangulo tututok sa mga programa at mga gagawin ng pamahalaan sa susunod na tatlong taon sa tungkulin

Ipinaliwanag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na layon ng mga Pre-SONA Forum ay ipaliwanag sa publiko ang detalye ng mga nagawa ng Administrasyong Duterte sa nakalipas na 3 taon sa panunungkulan at ang SONA ni Pangulong Duterte ay tututok sa kabuoan ng kanyang pamamalakad sa Administrasyon.

Sa interview kay Nograles dito sa Malacañang ay sinabi nito na ilalahad ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA speech ang magiging direksyon ng pamahalaan sa susunod na tatlong taon at ang mga polisiya na ipatutupad ng Gobyerno.

Sinabi din ni Nograles na magiging tema ng talumpati ni Pangulong Duterte ay ang pagpapatuloy ng mga pagbabagong naipatupad ng Pamahalaan.


Ibibida din naman aniya ni Pangulong Duterte ang mga programa ng pamahalaan kontra sa kahirapan na siyang magiging pangunahing focus ng pamahalaan sa mga susunod na taon.

Paliwanag pa ni Nograles, ang Pre-SONA forum ay para mailahad din ang mga napagtagumpayan ng pamahalaan na masyadong marami para magkasya sa SONA speech ng Pangulo.

Gagawin ang susunod na Pre-SONA forum sa July 10 sa Cebu at sa July 17 naman sa Davao City.

Facebook Comments