SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magsisilbing senyales sa mga investor na bukas na muli sa negosyo ang Pilipinas ayon kay Cong. Sandro Marcos

Magkakaroon ng senyales sa mga dayuhan at local investors ang lalamanin ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para ipaalam na bukas na muli sa negosyo ang Pilipinas.

Ito ang sinabi ni Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos sa panayam ng Malacañang Press Corps matapos matanong kung ano ang posibleng usapin ng SONA ng kaniyang ama.

Sinabi ni Sandro Marcos na kasa-kasama siya ni Pangulong Marcos habang sinusulat nito ang kaniyang speech.


Hindi naman daw niya nabasa lahat ng nilalaman ng talumpati ng ama pero nakita at narinig niya ang bahagi ng pagpa-practice nito.

Matutuwa rin aniya ang lahat sa maririnig na mensahe ng pangulo at makikita rito lalo na ng mga mambabatas kung anong direksyon ang tatahakin ng administrasyon sa susunod na anim na taon.

Ayon pa kay Marcos, hindi niya nakikitang aabot sa 29,000 na mga salita ang SONA ng pangulo tulad ng mga nauna nang SONA na maituturing na pinakamahaba.

Sa style ng delivery ay makikita aniya ang pagkakapareho ng kaniyang ama sa lolo nyang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Facebook Comments