Tinawag na “ampaw” ng grupong IBON Foundation ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Executive Director Sonny Africa, bagama’t maganda ang mga inilatag na plano at priority bills ni Pangulong Marcos ay nakukulangan naman sila sa detalye sa kung saan kukunin ang pondo para rito.
Aniya, sa umpisa pa lamang ng talumpati ay nabanggit na ng pangulo ang plano nitong magpatupad ng “sound fiscal management” na nangangahulugang walang pondo at magtitipid ang gobyerno.
Dismayado rin ang grupo sa implementasyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law na aniya’y nagpalala lang sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Giit ni Africa, habang nakikinabang ang malalaking negosyante at dayuhan sa mababang buwis sa pamumuhunan sa bansa ay pinapasan naman ng mahihirap ang mas mataas na buwis mula sa mga bilihin at serbisyo na kinokonsumo nito.
Kaugnay nito, muling itinulak ni Africa ang panukalang “Wealth Tax” na layong buwisan ang pinakamayayaman at malalaking kompanya sa bansa.
Samantala, duda naman si Africa na maaabot ng administrasyong Marcos ang target nitong single-digit na poverty rate sa Pilipinas.
Aniya, malabong maibaba ng pamahalaan sa 9% ang antas ng kahirapan sa bansa lalo’t patuloy na nararamdaman ng publiko ang epekto ng pandemya, krisis sa ekonomiya at mataas na presyo ng mga bilihin.
Nabatid na unang kalahating taon ng 2021 ay sumampa sa 23.7% ang poverty rate sa bansa na katumbas ng 26.14 million na mahihirap na Pilipino.
Samantala, ayon kay Africa, nasa P1,100 na ang dapat na arawang sahod ng isang manggagawa mula sa pamilyang may limang miyembro upang makapamuhay ng disente.