Binanatan ng labor group na Partido Manggagawa (PM) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa paglalabas ng memorandum na nagbabawal sa mass gatherings bago ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 27, 2020.
Ayon kay PM Chairperson Rene Magtubo, tuloy ang isasagawa nilang protesta sa nasabing araw.
Aniya, pagbabalewala ito sa kanilang karapatan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon at ipahayag ang kanilang hinaing sa pamahalaan lalo na sa mahinang pagtugon sa COVID-19 crisis at epekto nito sa trabaho at kabuhayan.
Para kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Sonny Matula, kinokondena nila ang kautusan dahil tila pagpigil ito sa kalayaan sa pamamahayag.
Nagpaalala rin si Matula na walang batas na pumipigil sa mga tao na i-exercise ang kanilang constitutional rights.
Pagtitiyak ng labor groups na susundin ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at physical distancing.