Sorry ng NPA, kulang ayon sa ilang mga kongresista

Hindi kuntento ang mga kongresista sa paghingi ng tawad ng New People’s Army (NPA) matapos akuin ang responsibilidad sa pagkamatay ng footballer na si Keith Absalon at kaniyang pinsan na si Nolven Absalon.

Kapwa naniniwala sina DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na hindi sapat ang apology ng NPA at pangakong tutulungan ang mga kaanak ng mga biktima.

Kung si Aglipay ang tatanungin, kung talagang tunay ang paghingi ng NPA ng patawad ay dapat na sumuko ang mga responsable sa krimen at harapin ang parusa ng batas.


Kung wala aniyang pagpapanagot ay pawang damage control lamang ito sa parte ng NPA para makakuha pa rin ng simpatya para sa kanila.

Sinabi naman ni Alvarez na hindi maaaring tanggapin na sorry lamang pero walang accountability sa panig ng NPA partikular sa kung sino sa myembro nila ang nagtanim ng mga pampasabog.

Makakamit lamang aniya ang hustisya kung mismong ang mga salarin sa pagkasawi ng magpinsang Absalon ay haharap sa korte.

Facebook Comments