May sariling Provincial Quarantine Center na ang Sorsogon.
Ito’y matapos na pumayag ang pamunuan ng Sorsogon State College na buksan ang kanilang mga pasilidad upang tugunan ang lumalaking bilang ng Persons Under Observation (PUMs) at Persons Under Investigation kaugnay ng COVID-19 Pandemic sa Bicol Region.
Ito ang nabuo sa isang kasunduan sa pagitan nina Commision on Higher Education Chairman Prospero De Vera, Sorsogon Governor Chiz Escudero at ng pamunuan ng Sorsogon State College sa isang teleconference meeting.
Sa ilalim ng kasunduan, bubuksan ng Sorsogon State College ang lahat ng kanilang pasilidad sa mga PUIs at PUMs.
Una nang hinimok ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga LGUs na gamitin ang mga pasilidad ng mga State Universities at Colleges basta’t mayroong memorandum of agreement sa CHED at sa SUC.
Ayon kay de Vera, maari nang pagbatayan ng ibang LGUs ang blueprint ng memorandum of agreement sa Sorsogon sa paglikha ng kanilang sariling Provincial Quarantine Center.