Sakaling matuloy sa pagtakbo sa pagka-bise presidente ay bukas si Senate President Tito Sotto III sa posibilidad na makalaban niya si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay SP Sotto, magpapasya siya kung matapos niya ang konsultasyon at kung makabuo na siya ng mga programa para solusyunan ang mga problema ng bansa.
Para kay SP Sotto, magiging formidable opponent o bigating kalaban si Pangulong Duterte pero dahil magkaibigan sila ay siguradong hindi naman daw sila basta-basta mag-aaway.
Okay lang din kay SP Sotto kahit sino ang tumakbo sa susunod na eleksyon dahil siguro naman aniya ay mayroon din silang programang ipiprisenta.
Inamin din ni SP Sotto ang posibilidad na may presidential candidate ang kinaaaniban niyang Nacionalist People’s Coalition o NPC at kung wala ay may susuportahan silang standard bearer ng ibang partido.
Sa ngayon, hindi pa masabi ni Sotto ang posisyon ng mga miyembro ng NPC kung dadalhin si Senator Panfilo Lacson sa pagka-pangulo na magiging running mate niya kung matutuloy din sya sa pagkandidato sa pagka-presidente.