Sotto: Mass testing coverage para sa COVID-19, dapat palawakin ng DOH

Umapela si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Department of Health (DOH) na palawakin pa ang sakop ng mass testing para sa COVID-19.

Ito ay sa harap ng inaasahang pagpapaluwag sa quarantine protocols oras na alisin na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang piling lugar pagkatapos ng May 15.

Ayon kay Sotto, dapat na maging eye-opener ang naging karanasan ng Senado kung saan 20 empleyado nito ang nagpositibo sa rapid test sa kabila ng pagsunod sa health protocols ng DOH.


Punto ng senador, kung sila nga na hindi naman na-exposed sa sinumang may COVID-19 ay tinamaan pa rin ng virus, tiyak aniya na mas malala ang pwedeng mangyari kung ma-lift na ang ECQ at ang lahat ay papayagan nang lumabas ng kanilang mga bahay.

Dahil dito, iminungkahi ni Sotto sa DOH na lawakan ang sakop ng nationwide mass testing nito para makita ng mga health officials ang mas malinaw na sitwasyon ng pagkalat ng COVID-19.

Bukod dito, ang resulta ng expanded mass testing coverage ay magsisilbi ring babala sa mga government leaders laban sa premature na pag-aalis ng ECQ sa Metro Manila at ilan pang rehiyon sa bansa.

Facebook Comments