Sotto, nagbabala ng constitutional crisis kung ihihinto ang canvassing ng Kongreso

Nagbabala si Senate President Vicente Sotto III ng posibleng political crisis sakaling maglabas ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order (TRO) sa nakatakdang pag-canvass ng Senado at Kamara sa mga botong nakuha ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iproklama ito bilang pangulo ng bansa.

Ayon kay Sotto, kung mangyari ito ay mahaharap sa constitutional crisis ang bansa dahil hindi na maaaring magpulong ang Kongreso pagkatapos ng ika-3 ng Hunyo.

Nitong Miyerkules nang maghain ang martial law survivors, religious at youth rights advocates, at ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) ng petisyon sa Korte Suprema na nagpapatigil sa canvassing ng mga boto para sa pagkapangulo at bise presidente.


Hinimok din ng mga ito ang SC na baligtarin ang resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) at pagbigyan ang petisyon para sa disqualification ni Marcos.

Maliban dito, pinakakansela rin ng mga petitioner sa SC ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.

Samantala, naniniwala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi uusad ang petisyon ng grupo dahil hindi maaring pigilan ng SC ang Kongreso sa pagganap ng mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

Facebook Comments