Sotto sa ‘LGBTQIA+’: Bakit hindi na lang ‘Homo sapiens’? Pare-pareho lang tayo

Sa sesyon ng Senado hinggil sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality bill nitong Miyerkules, ilang senador ang tila nahirapan sa kahulugan ng LGBTQIA+.

Isa na rito si Senate President Vicente Sotto III na nagmungkahing imbis na “LGBTQIA+”, “Homo sapiens” na lang ang itawag sa komunidad ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersexual, at asexual.

“Why the lengthy letters? Why not just Homo sapiens? We’re all the same. Why do we have to segregate the gays from the lesbians from the straight guys?” kunot-noong tanong ni Sotto.


Tugon ni Senador Risa Hontiveros, tama naman aniya ang sinabi ni Sotto kung walang umiiral na diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBTQIA+.

“Hindi po sana kailangan mag-segregate kung ‘yung human civilization natin at mga societies natin ay nag-evolve to the point na walang discrimination, may equality among all, regardless of identity, regardless of expression,” ani Hontiveros.

“Kaya lang po, hindi ganoon ang nangyayari… that is why the community felt it’s necessary,” dagdag ng senadora.

Nag-ugat ang diskusyon sa tanong ni Senador Koko Pimentel kay Hontiveros kasunod ng privilege speech ng senadora hinggil sa pagpapasa ng SOGIE Equality bill matapos ang bagong insidente ng diskriminasyon sa LGBTQ+ community.

“The term now is LGBTIQA?” tanong ni Pimentel.

“Plus,” singit ni Hontiveros.

“May plus pa? Hihingi sana ako ng definition ng IQA, pero kung may plus pa parang walang katapusan pala ito,” pagpapatuloy ni Pimentel.

“Plus po dahil sa natututunan natin about human sexuality, maraming kulay, maraming shades, so the spectrum may forever be further and further be refined habang nakikilala natin ang ating mga tao,” paliwanag ng senadora.

Tumagal naman ng higit kalahating oras ang diskusyon ng dalawa at ng iba pang lalaking senador na lito sa konsepto ng kasarian at sekswalidad.

Samantala, sinuportahan naman nina Senador Imee Marcos at Bong Go ang pagpapasa ng SOGIE Equality bill na magbabawal sa kahit anong uri ng diskriminasyon sa mga miyembro ng LGBTQ+.

Facebook Comments