Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na pawang mga menor de edad ang source ng nag-viral na video ng pagpatay ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca sa mag-iinang Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui Tarlac.
Matatandaang umani ng matinding pagbatikos at pagkondena mula sa mga netizens ang kumalat na video sa social media.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, isang 12-anyos na lalaki ang may-ari ng viral video at ipinasa niya ito sa kanyang mga kaibigan, kamag-anak ng mga biktima, kabilang ang 16-anyos na babae na siyang nakakuha ng insidente ng malapitan.
Tinanong ni Sinas ang batang lalaki kung bakit hindi na siya nakatakbo sa pinangyarihan ng krimen.
Ang sagot na lamang sa kanya ng lalaki ay nanginginig na lamang siya at hindi na makagalaw sa sobrang takot.
Nakiusap na si Sinas sa Paniqui Officials na magbigay ng psychological support sa lahat ng mga batang nakasaksi sa krimen, kabilang ang anak ng suspek na tampulan ngayon ng batikos, panlalait, at pangungutya.
Nagbigay na rin ng seguridad ang PNP sa pamilya ng mga menor de edad kapalit ng pagpapalakas ng kaso laban kay Nuezca.