South African variant ng COVID-19, mahigpit na binabantayan ng DOH dahil sa epekto nito sa efficacy ng mga bakuna

Binabantayan ngayon ng DOH ang mga kaso ng South African variant ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay dahil sa may mga lumabas na pag-aaral na ang South African variant ay may mutation na may epekto sa pagtalab o efficacy ng mga bakuna.

Nilinaw naman ni Vergeire na bagamat may 6 na kaso na ng South African variant sa Pasay City, patuloy pa aniya nilang ini-imbestigahan kung may local transmission na sa lungsod.


Samantala, kuntento naman ang Department of Health (DOH) sa naging proseso ng unang araw ng pagbabakuna sa health workers.

Aniya, 13 lamang sa mga naturukan ang nagkaroon ng minor at common adverse events tulad ng pagtaas ng presyon ng dugo, pananakit ng braso, naduduwal, rashes at pananakit ng ulo.

Gayunman, wala aniyang na-admit sa mga ito at agad din silang pinauwi.

Ayon pa kay Vergeire, batay sa kanilang assessment, anxiety at takot ang naramdaman ng ilang health workers na nabakunahan kahapon.

Iginiit naman ni Vergeire na maliit na porsyento lamang sa mga mababakunahan ang makakaranas ng adverse effects.

Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na pananagutan ng gobyerno ang mga pasyenteng magkakaroon ng adverse effects mula sa mga donasyon na bakuna tulad ng Sinovac mula sa China.

Facebook Comments