South Harbor Port Terminal Building sa Maynila, planong gawing COVID-19 treatment facility

Isinasailalim na sa retrofitting ang South Harbor Port Terminal Building sa Maynila para gawing COVID-19 treatment facility.

Ayon kay Philippine Ports Authority o PPA General Manager Jay Santiago, ang terminal na kilala rin bilang Eva Macapagal Super Terminal ay magkakaroon ng 206 cubicles, na hahatiin sa apat na zones, ito ay ang green, orange, violet at blue zones.

Ang green zone ay para sa mild symptomatic COVID-19 patients habang ang blue zone ay para sa “advanced cases” ng COVID-19.


Sinabi pa ni Santiago na ang pasilidad ay magkakaroon ng mga hospital/medical equipment na kakailanganin para sa pagtugon sa mga pasyenteng may COVID-19.

Tinitiyak naman ng opisyal na may airtight doors ang pasilidad upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.

May ide-deploy na mga medical personnel ng Department of Health o DOH at Philippine Coast Guard o PCG sa pasilidad, na tututok sa mga pasyenteng dadalhin o maa-admit.

Inaasahan din ni santiago na makakatulong ang South Harbor Port Terminal Building upang kahit papaano ay matugunan ang kakulangan ng medical capacity sa National Capital Region at kalapit lalawigan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Nagpapasalamat naman si Santiago sa mga donasyon, para makumpleto ng PPA at PCG ang pagsasaayos at mapatakbo ang temporary medical facility.

Facebook Comments