Ayon kay Pampanga 4th District Rep. Anna York Bondoc, nangangailangan ngayon ang South Korea ng seasonal farm workers para magtanim at mag-ani ng mga prutas at gulay tulad ng mansanas, kamatis at pipino.
Nabatid ito ni Bondoc sa pagbisita niya sa South Korea, kasama ang ilang kongresista sa pangunguna ni dating pangulo at ngayon ay Senior Deputy Speaker, Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Sabi ni Bondoc, mayroong seasonal workers program ang Korea kung saan maaaring makibahagi ang Pilipinas.
Kaugnay nito ay binanggit ni Bondoc, na mayroon ng unang batch ng mga magsasaka mula Pampanga ang nakarating sa Korea at inaasahang madadagdagan pa ito kung magiging maayos ang lahat.
Samantala, inihayag din ni Bondoc na nagkaroon sila ng bilateral meeting sa Korean National Assembly na layuning mapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at South Korea sa larangan ng negosyo, turismo, climate change at ekonomiya.