Hindi pumasa sa evaluation ng Department of Health-Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) ang South Korean SD Biosensor COVID-19 antigen test.
Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakapagrehistro lamang ng 71% sensitivity rate ang SoKor SD Biosensor sa diagnostic performance nito.
Ito ay mababa sa standard na 80% sensitivity rate at 97% specificity na itinakda ng World Health Organization (WHO).
Nakikipag-usap na ang DOH sa WHO kaugnay sa resulta ng evaluation dahil kasama ito sa emergency testing kits nila.
Sa kasalukuyan ay may iba pang antigen test na nakasalang na validation ng DOH-RITM, kabilang na ang antigen test mula sa Estados Unidos.
Sa antigen test, kailangan pa ring kunin ang swab sample sa ilong at lalamunan, gaya ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab test.
Pero ang kaibahan, mas mabilis na lumalabas ang resulta ng antigen test sa loob lamang ng ilang minuto.