Binigyang pagkilala ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang mahalagang papel ng mga beteranong Pilipino at South Korean noong panahon ng Korean war.
Bahagi ng state visit ni President Yoon sa bansa ang pag-aalay ng bulaklak sa Korean War Memorial Pylon sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, kinilala sa seremonya ang katapangan at sakripisyo ng mga myembro ng Philippine Expeditionary Force to Korea na nakipaglaban kasama ang mga sundalong Koreano laban sa pwersa ng North Korea at Chinese People’s Volunteer Army noong Korean war.
Kinilala rin ng pamunuan ng Philippine Army ang kahalagahan ng pagbibigay-pugay sa mga beteranong nagpakita ng kanilang tibay at tapang noon panahon ng giyera.
Kanina, dumating sa Malacañang si President Yoon para sa kanilang bilateral meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw.
Nasa Pilipinas si President Yoon para sa kanyang dalawang araw na state visit, kasabay ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at South Korea noong March 1949.