Isang buwang isasara ang Southbound ng EDSA-Timog Avenue flyover sa Quezon City simula sa Sabado, June 25 alas-6:00 ng umaga.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, ito ay dahil sa isinasagawang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa flyover na unang nakitaan ng mga bitak noong Biyernes.
Paliwanag ni Artes, tatlumpung metro ang gagawin nilang road repair upang matiyak na matibay ang flyover.
Kaugnay nito, humingi si Artes ng paumanhin sa mga motorista na maaabala sa loob nang tatlumpung araw dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko.
Sabi pa ni Artes, posibleng isarado na rin ang Guadalupe Bridge sa kahabaan ng EDSA na nagdudugtong sa Makati City at Mandaluyong City para sumailalim din sa pagsasaayos.