Bukas na sa mga motorista ang southbound portion ng Roxas Boulevard malapit sa Libertad Pumping Station sa Pasay City.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), pwede nang dumaan ang mga sasakyan, maliban sa mga trak, sa naturang kalsada mula V. Sotto hanggang Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Ito ay matapos makumpleto ang 54.9 linear meter replacement ng nasirang Libertad box culvert o drainage main structure at road pavement.
Sa kabila nito ay tiniyak ng DPWH na mas magiging ligtas at maayos ang pagbiyahe ng mga motorista sa naturang kalsada at makatutulong ang bagong drainage para sa mas maayos na daloy ng tubig sa Libertad Pumping Station.
Samantala, patuloy naman ang rehabilitasyon ng DPWH sa northbound direction ng Roxas Boulevard kung kaya’t pinapayuhan ang mga motorista na pansamantalang dumaan sa northbound service road o iba pang posibleng alternatibong ruta.