Manila, Philippines – Para kay Southern Police District Director Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr., hindi pa ganoon kadesperado ang mga politiko sa bansa na magsagawa ng mga pagpatay sa layon lamang na masira ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Ayon sa opisyal, higit nilang pinaniniwalaan ang posibilidad na mga personalidad na may kinalaman sa operasyon ng iligal na droga rin ang nasa likod ng tinatawag na extrajudicial killings.
Nakatatanggap aniya sila ng mga impormasyon na ang mga sindikato ng iligal na droga rin ang nagpapatumba sa kanilang mga kabaro dahil sa tamang hinala.
Sinabi pa ni Apolinario na posibleng nabuhay ang mga pagpatay dahil nagkakasikipan na ng bentahan o mga transaksyon ng iligal na droga bunsod ng pinalakas na giyera ng pamahalaan laban dito.