Tinawag ni Senator Risa Hontiveros na ‘premature’ ang tila ‘soft launch’ ng pamahalaan sa Sovereign Wealth Fund sa Davos, Switzerland.
Ang reaksyon ng senadora ay kaugnay sa pagkasorpresa nito sa naging pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na mayroon pala siyang ‘reservation’ sa ‘reengineered’ na bersyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ayon kay Hontiveros, “pleasantly surprised” siya sa sinabi ng pangulo na hindi uubra at hindi pa naman tinatanggap ang ‘reengineered version’ ng sovereign wealth fund na aniya’y kaniya ring punto noong una pa bago pa man maihain sa Senado ang sariling bersyon ng Maharlika Bill.
Dahil aniya sa pahayag na ito ng pangulo, hindi pa dapat iprinisinta sa Davos, Switzerland ang panukalang sovereign fund na isa pa lang namang ‘very rough draft’.
Dagdag pa ni Hontiveros, hindi tama ang naging advise na ito sa pangulo dahil parang rehearsal ang ginawang pagprisinta ng delegasyon ng bansa sa Sovereign Wealth Fund.
Kahit pa aniya sa isusulong na ‘reengineered version’, naniniwala ang senadora na ‘premature’ pa rin ito dahil sa kawalan ng sobrang pondong pagkukunan para dito.