
Nagpalitan ng sagot sa mga isyu si Senate President Chiz Escudero at Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa isyu ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at Charter Change o Cha-cha.
Sa naunang pahayag ni Sotto, papabor siyang rebisahin ang Konstitusyon kapag pinal na nagdesisyon ang Korte Suprema na ibasura ang impeachment case laban sa bise presidente.
Nagpasaring si Escudero kay Sotto sa kanyang X account kung saan sinabi niyang “easy lang” pagdating sa pagsuporta sa Cha-cha.
Sinabi pa ni Escudero na kinampihan na nga ni Sotto ang impeachment ng Kamara at ni Speaker Martin Romualdez kahit pa labag na nga ito sa saligang batas, pati ba naman Cha-cha ng Kamara ay kakampihan din.
May hashtag din ang Senate president laban kay Sotto na “The Senate is not your playground.”
Nagpaliwanag naman si Sotto na ang kanyang mga sinabi ay kung hindi magbabago ang posisyon ng Korte Suprema ay lalabas na inamyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan lamang ng SC desisyon ay ikukunsidera niya ang pagsuporta sa Constituent Assembly o Constitutional Convention para maamyendahan ang Article 11 o ang accountability of public officer dahil mahirap aniya na sundin ang requirements sa desisyon ng Korte Suprema.
Binigyang-diin pa ni Sotto na wala siyang kinakampihan hindi tulad nila Escudero at tanging sa Konstitusyon lamang siya pumapanig.









