SP Chiz, direktang itinanggi na takot siya kay VP Sara

Tahasang itinatanggi ni Senate President Chiz Escudero na takot siya kay Vice President Sara Duterte kaya ipinagpaliban ng Senado ang impeachment proceedings.

Kaugnay ito sa naging tanong ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kung takot nga ba si Escudero kay VP Sara kaya naantala ang impeachment trial sa Mataas na Kapulungan.

Iginiit ni Escudero na hindi niya trabaho tulad ng mga kongresista na maging sunud-sunuran at sumunod sa kagustuhan ni Speaker Martin Romualdez sabay paalala na ang Senado ay hiwalay, independent at gagalaw ayon sa nakikitang tama at nararapat.

Ipinaalala ng senador ang ginawa ng Kamara na mahigit dalawang buwang inupuan ng mga kongresista ang impeachment complaint pero hindi naman nagreklamo o nagsalita tungkol dito ang Senado.

Binigyang-diin pa ni Escudero na hindi sila utusan ng Kamara at hindi siya susunod sa gusto ng Speaker para ma-impeach ang Ikalawang Pangulo.

Dagdag pa ng Senate President, gagawin nilang mga senador ang kanilang trabaho na ayon sa batas, sa pananaw ng Senado at hindi magiging sunud-sunuran sa gusto ng isang tao o ng Kamara.

Facebook Comments