Tumanggi si Senate President Francis “Chiz” Escudero na makipagdebate pa kay Albay Representative Edcel Lagman patungkol sa panukalang diborsyo sa bansa.
Ayon kay Escudero, hindi na siya makikipagdebate kay Lagman dahil iginagalang niya ito bilang nakasama noon sa Kongreso.
Aniya, mahabang debate pa ang kailangan kung nais na padaliin ang pagpapasa sa panukala lalo’t magkaiba ang nilalaman ng mismong panukala kumpara sa sinasabing layunin nito.
Tinukoy ni Escudero na pinalawak man ang grounds ng bersyon ng panukala diborsyo ng Kamara pero hindi naman binigyang daan ang Public Attorney’s Office na humawak ng mga ganitong kaso na pakikinabangan din sana ng mga mahihirap.
Giit ng senador, akala niya ay ginawa rin ang panukala para sa mga mahihirap pero kung sakaling maisabatas ay tanging mga mayayaman lang pala ang makikinabang dahil kaya nilang magbayad ng abogado.
Kasalukuyan pa ring nasa Committee on Rules ang Divorce Bill sa Senado habang hinihintay kung kailan ito mapagdedebatehan sa plenaryo.