SP Chiz Escudero, dumipensa sa pagbibigay ng malalaking komite sa ilang senador

Dumipensa si Senate President Chiz Escudero sa pagbibigay ng mga malalaking komite sa ilang mga bagong senador partikular na ang makapangyarihang Blue Ribbon Committee kung saan Chairman dito si Sen. Rodante Marcoleta.

Itinanggi ni Escudero ang alegasyon na kaya ibinigay sa isang neophyte senator ang pagiging chairman ng Blue Ribbon ay para makuha ang suporta ng Duterte bloc sa Senado sa kanyang kampanya sa Senate presidency.

Iginiit ni Escudero na hindi naman makatwiran na maliitin ang kakayahan ng isang baguhan sa Senado tulad ni Marcoleta.

Sinabi ng mambabatas na isang litigator at practicing lawyer si Marcoleta kaya neophyte man o hindi ay magagampanan ng senador ng maayos ang pagiging Chairman ng Blue Ribbon at maitataas nito ang bandila ng Senado bilang institusyon.

Bagama’t newcomer si Marcoleta sa Senado, hindi naman ito baguhan sa Kongreso dahil nagsilbi itong Party-list Representative at nakatrabaho rin ni Escudero noon sa mababang kapulungan.

Ipinagtanggol din ni Escudero ang ilan pang senador na nabigyan ng Committee Chairmanship tulad nina Senator Bam Aquino na Chairman ng Basic Education at Kiko Pangilinan na Chairman ng Agriculture, Food and Agrarian Reform kung saan pinagbasehan niya ang advocacy at competency ng mga ito.

Facebook Comments